Labing-isang Taon...
Noong nakaraang Mayo a kwatro, aming inaalaala ang ika-labing -isang taong pag-yao ng aming tatay. Ako ay nagdiwang ng isang misa para sa kapayapaan ng kanyang kaluluwa sa umaga ng araw na iyon at sa hapon naman ay isinama ko ang aking mga pamangkin sa kampo santo upang bisitahin ang puntod ng aking tatay. Medyo natabonan na ng mga gumagapang na damo at mga siit ang gate ng "musoleo" dahil siguro matagal-tagal na ring walang nakabisita sa lugar. kami ay naglaan ng ilang sandali roon, nilinis ng kaunti ang lugar, nagsindi ng mga kandila sa tatlong puntod na naroroon (ang aking tatay at nanay ay magkasama sa isang puntod). Kami'y nanalangin at pagkatapos niyon, aming nilisang ang pook at ako'y niyaya ng aking mga pamangkin na kumain, of course ako ay taya. Gusto nilang kumain sa bagong bukas na jollibee store sa malapit sa JJ. Bakas ang kasiyahan sa kanilang mga mata pagpasok pa lang sa fastfood store. pumili sila ng mga pagkaing gusto nila at humanap kami ng bakanteng mesa kung saan kami ay kumain ng masaya.
Labing-isang taon...
Labing-isang taon na pala kaming ulila sa magulang, ang bilis ng panahong lumipas, mag-daan... nais kong balikan ang araw ng ang aming tatay ay yumao... lunes iyon, mag-aala-sais ng umaga ako ay ginising ng aking kapatid, ang tatay ay payapa na, ngunit may init pa ang kanyang mga palad, di pa nagtatagal ng siya ay umalis... ilang taon din bang humiga sa banig ng karamdaman ang aming tatay... isa o dalawa... Cancer sa esopagus ang kanyang karamdaman... kumikitid ng kumikitid ang kanyang esopagus hanggang sa hindi na makapasok ang pagkain sa kanyang sikmura... ang mga pagkain ay di nya malasahan dahil ito'y diretso nang ibinububo sa kanyang sikmura... hanggang tangihan na rin ng kanyang katawan ang mga sustansya na ibinibigay sa kanya... nalalapit na ang oras... siyang namamaalam na... siyang nagbibilin na... mga anak magmahalan kayo... mag-uunawaan kayo...
Labing-isang taong pagiging ulila...
kumusta na kami...
ako ngayon ay apat na taon nang mula ng ako'y nangako na ilalaan ko ang aking sarili bilang relihiyosong misyonero habang buhay... tatlong taon na bilang isang pari...
ang aking tanong nasusunod ko ba ang habilin ng aming tatay... magmahalan kayo...
dalawang salita kung tutuusin... ngunit ito'y makapangyarihan salita na kung masusunod at magdudulot ng kagalakan para sa lahat at kung makakaligtaan at mababaon sa limot... kumukurot sa diwa at isipan...
wala namang ano mmang bagay na naiwan ang aming tatay maliban sa aming pangalan at ang kanyang salita na kami'y magmamahalan...
ngunit sa aking pakiwari ngayon... ito naman talaga ang pinaka mahalaga upang mabuhay ng matiwasay ang mga tao...
kahit si Kristo bago siya umakyat sa langit ito rin ang habilin sa kanyang mga alagad... magmahalan kayo tulad ng pagmamahal ko sa inyo...
kung kayo'y magmamahalan, ako'y nananatili sa inyo ako kayo naman sa akin, at nakikilala ninyo siyang nagsugo sa akin.
Oo nga naman dahil sa Hesus ang pagmamahal, kung nasaan ang pagmamahal naroroon si Hesus ganun din ang nagsugo sa kanya... ibig sabihin ay ang Diyos Ama.
Kung gagamitin ko ang lohikal na ito patungkol sa aming tatay... kung kaming mga anak niya ay mamumuhay ng may pagmamamahalan at pag-uunawaan sa isat-isa, ang aming tatay ay mananatiling buhay sa piling namin, dahil kami'y lumalakas at tumatatag sa pamumuhay dahil sa pag-ibig.
Ngayon ang aking dalangin... naway huwag mabaon sa limot itong mahalagang bilin at sa tuwina'y mapagnilayan... mga alaala ay magdulot nawa lagi ng pag-asa, upang pangungulila at maparam na...